Linggo, Agosto 26, 2012
Ang Guryon
"Ang Guryon"
ni Ildefonso Santos
Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.
Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo't paulo'y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya'y magkiling.
Saka pag sumimoy ang hangin , ilabas
at sa papawiri'y bayaang lumipad;
datapwa't ang pisi'y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin mo't hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali't tandaan
na ang nagwawagi'y ang pusong marangal.
At kung ang guryon mo'y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya'y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!
Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti't dumagit, saanman sumuot...
O, paliparin mo't ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa'y sumubsob!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento